Miyerkules, Oktubre 7, 2015

Salamat Gilas Pilipinas!

Nakakalungkot at nakakapanghinayang ang nangyari sa kakatapos lang na 2015 FIBA Asia. Sayang at hindi nakuha ng Gilas Pilipinas ang gintong medalya na magtutulak sana sa ating koponan na makarating sa inaasam-asam na 2016 Rio Olympics. Bagama’t masakit ang talo natin sa Championship match kontra China. Hindi matatawaran ang galing at husay  ng mga manlalaro ng Gilas na nagpakita ng kanilang tunay na puso at damdamin upang maipaglaban ang bansang Pilipinas sa larangan ng basketball.

Pero nakakataba ng puso na umabot sa FIBA Asia ang Gilas. Marami  mang pinagdaanan ang Gilas patuloy silang lumaban. Natalo sa umpisa ng torneo. Tinalo ang mga powerhouse team tulad ng Japan at Iran. Kitang-kita na buong tapang nilang hinarap ang mga pagsubok lalo na sa championship match kontra China.

Ngayon,Nangingibabaw ang pagmamalaki at pasasalamat ng maraming Pinoy sa Gilas dahil sa kanilang tagumpay na natamo. Muli na namang naipakita ang galing ng mga Pinoy. Sa tamang panahon, samahan nating lahat ang Gilas upang matiyak nila ang mas malaki pang tagumpay at ito ay ang maging kampyeon at makilala sa mundo dahil sa galing sa larangan ng basketball.

Miyerkules, Setyembre 30, 2015

Piliin mo ang Pilipinas!!



Bilang isang Pilipino, ipinagmamalaki ko ang aking bansa at gusto ko maipakita ang aking pagmamahal. Alam ko kung gaano ka espesyal ang Pilipinas at kung gaano ka ganda ang mga bagay dito. Ibang klase talaga ang bansang ito, kaya gusto ko ipakita rin sa iyo kung gaano ka ganda ang Pilipinas. Isang kanta na may pamagat na  “Piliin mo ang Pilipinas” ni Angeline Quinto ang nagpapakita kung paano dapat natin hikayatin ang ating mga kapwa Pilipino at mga dayuhan  na mahalin at puntahan ang ating bansa dahil sa di matatawarang ganda nito. Narito ang kalahati ng Lyrics ng kanta:

Minsa'y natuwa ang Maylikha
Pitong libong pulo ang ginawa
Mga hiyas na inilatag
Sa mala-sutlang dagat

At ang bayan Niyang pinili
Nsa dulo ng bahaghari
kaya't isanlibong kulay
Nang-aakit, kumakaway

Piliin mo rin ang Pilipinas
Kapuluang kwintas ng perlas
Piliin mo, yakapin mo
kayamanan nyang likas, Piliin mo ang Pilipinas.

Tunay na espesyal ang Pilipinas. Maraming mga bagay ang matatagpuan lamang dito. Nasisigurado ko kung pupunta ka sa Pilipinas, hindi ka magsisi. Bugod sa mga lugar dito, sigurado akong makakakilala ka ng mga mababait na tao na tutulong sa iyo sa hinaharap. Maikli lang ang ating buhay kaya kailangan natin palawaking ang ating mundo at kunin ang bawat oppurtunidad na darating sa ating mga buhay. Puntahan na ang Pilipinas upang masabi mo na nakapunta ka na sa isa sa pinakamaganda at kakaiba na bansa sa mundo.

Miyerkules, Setyembre 23, 2015

Lahing Ginebra Ako

Eksena sa dyip habang katabi ko ang dalawang binatang estudyante.
Binata 1: Pre anong team ka sa PBA next season?
Binata 2: San Miguel ako pre.
Binata 1: Parehas pala tayo ehhh. Kala ko Ginebra fan ka. Hahaaaha Team Kangkong!!!
Binata 2: (tumatawa) Baka maaga na namang magbakasyon yun sa Bora.
Ako: (super bad trip, parang natamaan yung puso ko noong inaasar yung Ginebra)

Bata pa lang ako Ginebra fan na talaga ako. Halos buong pamilya kasi namin ito na ang laging sinusuportahan tuwing sasapit ang bagong conference ng PBA. Kaya bawat laban ng Ginebra di ko pinapalampas na panoorin sa telebisyon o minsan naman ay sa mismong venue nito. Pero ang hirap isipin na sa makalipas na 8 taon hindi pa ulit nakakatikim ng kampyeonato ang team na paborito ko. Lagi na lang laglag at talo. Championship drought na nga talaga ang nararanasan ng buong koponan.

Pero alam niyo kung bakit bumabalik at bumabalik pa rin ako?Kasi ang sarap sarap sa feeling na kahit panalo o talo tayo andun pa rin yung crowd support.Andun parin yung sigawan. Yung GI-NEB-RA chant. Yung walang kamatayang never say die. At pinaka-importante.. andun pa rin ang mga iniidolo mo.

Yung feeling na alam mong sa susunod na conference bibili ka ulit ng ticket sa Araneta. Yung feeling na alam mong sa susunod na conference aabangan mo ito lagi sa telebisyon Yung feeling na alam mong sa susunod na conference babalik at babalik ka rin.

Kaya kahit na sobrang sakit.. Kaya kahit napapamura ka na.. Kaya kahit ano pa mang mangyari. Basta ako GINEBRA PA RIN AKO. Never say die!!! Sa tamang panahon makakamtan din nila ang inaasam-asam na kampyeonato. 

Huwebes, Setyembre 10, 2015

High School Forever and ever


Setyembre na at malapit nang matapos ang unang semester ko sa kolehiyo. Masaya dahil kahit papaano ay nakapag-adjust na ko sa mga bagong kaklase at ang buhay ng pagiging college student bilang freshman. Pero nakakalungkot din dahil parang napakabilis ng pagtakbo ng panahon. Ngayon ito na naman ako nangungulila sa naging mga karanasan ko noong high school at ang mga kaklase kong miss na miss ko na.

Sabi nila ang ang hayskul ang pinakamasayang parte ng pag – aaral mo. Lahat ng mga “first time” ay dito nagaganap. Lahat ng mga di inaasahang bagay, nagyayari o di kaya’y nadidiskubre mo. At higit sa lahat, dito mo nahubog ang iyong sarili di lamang bilang isang tineydeyer ngunit bilang isang mag – aaral. Maraming rason kung bakit ang highschool ang pinaka masaya. Marami ring rason kung bakit ito rin ang pinakamalungkot. Pero ang ikinaganda nito ay marami kang natutunan, di lang pagdating sa akademiks ngunit pati narin sa iyong buhay.

 Sino sa inyo ang namimiss ang lahat ng nakasulat???      
  nakipagdaldalan
  nanghiram at nagpahiram ng ballpen (tapos di na binabalik),
  hingian ng papel, (1/4, ½, 1 whole yung feeling na  nilalagyan na ng kaklase mo ng pangalan bawat sheet para di ka na makahingi)
  nagpapahiram ng stapler (kaya di ko na dinadala kasi nasira),
  nakaranas ng mga sermon ng teacher (parang misa tuwing may nagawang mali)
  nagpa-asignment ng sobrang haba
  sumali sa intramurals
  nagmahal (kay crush, sa syota mo at syempre kay God),
  nasaktan
  mag- interview ng mga tao para sa journalism
  madala sa clinic
  pumasok sa library (yung tipong pinapalabas kayo ng librarian dahil nag-iingay lang kayo sa loob)
  magpa photocopy ng sandamakmak
  magpasa ng mga projects at sankatukak na worksheets, (yung isang araw na lang bago magpasahan tapos doon ka palang gagawa )
  mahirapan sa math
  bumagsak sa mga quizzes, long test
  magpuyat
  maganalyze kung debit o credit,
  mapagalitan ng teacher
  mastress at magkaron ng napakalaking eyebugs,
  magJS prom at mag fieldtrip
  mag flagceremony at mag flag retreat
  maging officer ng klase,
  maging student teacher
  magclass picture every year,
  nagtest na kung anu-ano,
  mag CAT  
  magbayad ng limang piso araw – araw,
  mabigyan ng maraming ticket (tapos ibabalik),
  malate magsabmit ng kung anu-ano,
  kumain sa classroom
  mainis sa mga epal
  makaranas ng over – all champion sa mga contest
  magka gold, silver, bronze na medal
  magka certificate
  pumasok sa top 10
  mawalan ng pera
  mauna sa classroom
  makumpisan ng cellphone
  gumawa ng portfolio,
  maging masaya,
  hayahay buhay

Ang sarap kayang balik-balikan ang mga pangyayari ito noong high school. Lahat talaga mararanasan mo. Pero sabi nga nila “Things end, but memories last”. Lahat ng mga karanasang ito ay maalala mo hanggang sa pagtanda mo. At ang karansang ito ang hindi ninuman maagaw sa iyo. Kaya sa mga lahat ng naging parte ng high school life ko maraming maraming salamat sa inyo dahil hindi ako mahuhubog bilang tao kung wala kayo.

Miyerkules, Setyembre 2, 2015

Ang Tunay na Pananampalataya


Naranasan mo na bang masadlak sa isang  napakabigat na problema? Tiyak ito ang tanong na mabilis mong masasagot. Natural lahat ng tao ay dumadaan sa ganitong sitwasyon. Ngunit sino nga ba ang tutulong sa atin upang magawa nating malagpasan ang mga pagsubok na ito? Pamilya ba, kaklase, kaibigan, kabarkada karelasyon o kung sino-sino pa diyan na nakapaligid sa iyo. Pero minsan nakakalimutan nating lahat na ang Diyos ang tunay na kasagutan sa ating problema.

Sa buhay natin dumarating ang mabibigat na pagsubok na siyang susukat kung gaano tayo katatag at gaano tayo kalapit sa Diyos. Minsan ay nararanasan natin na madapa, Gayunpaman, pipilitin pa rin nating tumayo dahil may pinanghahawakan tayo, at ito ay ang pananampalataya sa Diyos.

Tuwing linggo, normal lang na makikita ka ng mga pamilyang Pilipino sama-samang nagsisimba. Isa na itong kaugalian kung saan naglalagay tayo ng oras para sa ating panginoon sa kanyang tahanan. Maaaring  sila’y nagpapasalamat, humihingi ng tulong, o kaya naman ay nagsisisi  ng kasalanan. Subalit minsan ay sumagi sa isip ko, nasusukat ba sa lingguhang pagsisimba ang pananampalataya? Dahil ba sa pagsisimba ay maliligtas ka na at malalayo ka na sa kapahamakan?

OO, Naisip ko na ang hindi pagsisimba ay isang napakaling kasalanan sa Diyos at maituturing itong  pagkukulang bilang isang tao, ngunit marahil ay hindi ito nangangahulugang malayo ka sa kanya. Hindi ba’t ang pagpapakita ng kabutihan sa kapwa mo ay isang batayan? Ang pagdarasal, kung saan ay tinatawag natin ang pangalan Niya, ay siyang nagpapatunay na naaalala natin siya.


Nakakalungkot isipin na marami sa atin ay tila ba nauunahan na sila ng panghuhusga at naiisip agad ang mga negatibong bunga ng hindi pagsisimba. Pumasok tuloy sa aking isipan na kung bakit may mga taong mababa ang tingin sa mga taong di nagsisimba?Bakit yung  iba nga sa kanila na madalas  sila pa ang parang hindi nanggaling sa simbahan ang ugali. Hindi rin naman naipapakita ang magandang asal na napulot nila sa pagsisimba? At di ba may taong gusto lamang linisin ang kanyang pangalan, alisin ang bahid ng kasamaan ngunit patuloy pa ring gumagawa ng kasamaan? Nasaan ang katotohanan doon.

Iba-iba tayo ng paniniwala ngunit para sa akin, dapat lang na maging pantay ang pagtrato ng ibang tao sa mga nagsisimba at hindi.  Ang mahalaga hangga’t alam natin na nasa puso natin ang Diyos, tiyak na mananatili Siya sa ating kalooban at mananaig ang kabutihan anuman ang mangyari.Dahil dito ay magkakaroon tayo ng matatag na pananampalataya na hindi masisira ng kahit ano at magpapadala sa anumang sinasabi o inihahatol ng iba at ito ang masasabi nating tunay na pananampalataya sa Diyos.


Biyernes, Agosto 21, 2015

Tunay na Bayani




Katapangan na pinamalas
Mga sundalo ng Pilpinas
Hindi matatawarang kagitingan
Kahit buhay ang naging kabayaran.

Baril na naging sandigan
Gamit sa pagtugis sa kalaban
Hindi akalain na ito ang magiging kasangkapan
Sa nalalapit nilang kamatayan.

Sino ang may kasalanan
Ang kalaban o ang pamahalaan
Sa kawalan ng agarang aksyon
Paano na ang ating nasyon?

Ama’t kapatid sa kanilang mga tahanan
Sa mga pamilyang kanilang naiwan
Ano ang nangyari sa’yo sa Juan
Sa bayan mong sinilangan.

Miyerkules, Agosto 19, 2015

Wika para sa Bayan, Ating Ipaglaban

Ang sarap ng pakiramdam ko ngayon. Sa wakas natapos na rin namin ang Sabayang Pagbigkas sa Filipino. Napakasaya ko talaga dahil sulit talaga ang pagod ko sa bawat araw na halos gabing-gabi na ako nakakauwi sa aming bahay. Salamat sa lahat ng tumulong at sumoporta sa amin upang malagpasan namin ang paligsahan na ito.

Bagama't di kami nanalo, piling ko ay wagi pa rin kami dahil alam naman namin sa aming sarili na halos apat na araw lang naman ito nagawa at sa halip ay nakapagpakita pa rin kami ng isang magandang presentasyon . Dito ko napatunayan na dapat lagi lang tayong magtitiwala sa isa't isa at si Lord na ang bahala na gumabay sa anumang kahihinatnan nito.

Isa pa sa ikinatuwa ko ay sa pamamagitan ng paligsahan ng Sabayang Pagbigkas naipakita namin ang suporta namin sa pagtatanggol sa ating pambansang wika-ang Filipino. Kasi nga kung titingnan natin ngayon sa kasalukuyang panahon,tila ba binabalewala na lang natin ang wikang ating kinagisnan at para bang pilit natin itong pinapatay.Isa sa patunay nito ang panukala ng Commission on Higher Education (CHED) ng Memorandum No. 20 Series of 2013 (CMO no. 20 series of 2013) na naglalaman ng pagtatanggal ng Filipino sa kurikulum na ipinapatupad sa kolehiyo. Tunay nga bang magdudulot ang hakbanging ito ng progreso? Iyan ang tanong ko.

Ang katwiran ng CHEd, nararapat na senior high school lamang dapat ituro ang Filipino subject. Dahil sa memorandum na ito ay nagdulot ng poot sa maraming nagtataguyod ng sariling wika at ganoon din sa mga guro ng Filipino.

Pumasok tuloy sa aking isipan na Bakit ba  kailangang alisin ang Filipino? Dapat pa ngang palaganapin at pagyamanin ito .Marami sa mga Pilipino ang hindi pa ganap na bihasa sa pagsulat sa wikang sarili. Marami pa ring nagkakamali sa simpleng paggawa ng pangungusap. Maraming hindi alam ang tamang baybay. Kaya paano sasabihing sobra-sobra na raw ang pag-aaral ng Filipino kaya hindi na dapat ituro sa kolehiyo.

Para sa akin,Ang ating wika ay sumisimbolo ng isang bansang matatag at nagkakaisa. Kung may iisang wika, magkakaintindihan ang lahat at magkakaroon ng iisang hangarin at ito ay bumangon mula sa mga pinagdaanang problema. Ngayon at nalalagay sa isyu ang ating wika ,marapat na atin itong ipagmalaki,ipagtanggol at ipaglaban. Nawa’y ating gamitin ng wasto sa araw-araw at taas-noo tayong magsalita sa ating sariling wika!


Martes, Agosto 11, 2015

Ulan, Lubayan mo Ako

Nakakainis talaga ang araw na ito maghapong umulan. Alas otso ng gabi ang labasan namin at tama na naman ang naisip ko bago ko umalis ng school, sobrang hirap na namang makauwi sa bahay. Grabe sobrang hassle talaga. Ramdam ko ang baha, traffic, basang sapatos, basang damit,pantalon,mabahong kapaligiran at lahat lahat na.

Isipin niyo naman ang pinagdaanan ko kanina o kahit bumuhos lang ng kaunti ang ulan  kapag nasa maynila ka. Nandiyan ang paunahang makasakay ng dyip o ng bus-kailangan mo pang makipagsiksikan,stranded dulot ng traffic at ang pag-iwas sa mga lugar na may baha. Maiinis ka talaga sa ganitong mga sitwasyon.
Kaunting ulan lang ay nagmimistulang waterworld na ito. Pero kung ikukumpara mo ito sa dagat kung saan mga isda ang makikita mo, dito magugulat ka dahil baka makasalamuha mo pa ang mga patay na daga, ipis at basura. Minsan may makikita ka pang diaper na may napakabahong amoy. Masusuka ka talaga. 

Nakakainis din ang mga sasakyan pag tag ulan. Hindi ka na makasakay dahil sa dami ng tao, dadaan pa ang salbaheng driver sa baha at magtatalsikan pa sa iyo ang tubig kanal. May pagkakataon pa ngang naka-dalawang palabas ng movie na sa bus di ka pa rin nakakababa.

Nayayamot tuloy ako kapag naiisip ko ang dulot na hatid ng ulan. Napakalaking abala talaga nito sa mga tao. Sobrang hirap talaga kapag umuulan, ewan ko na lang kung hindi ka mabad-trip. Kaya pakiusap ulan, lubayan mo ako.

Miyerkules, Agosto 5, 2015

Alaalang Di Makakalimutan

Di na naman ako makatulog.  Kung anu-anong posisyon na ang sinubukan ko. Nagbilang na ako ng ilang tupa, pati lobo, binilang ko na. Inisip ko na ang lahat ng magagandang bagay. Pero wala pa rin, di pa rin ako makatulog. Siguro dahil ‘to sa dalawang tasang kapeng ininom ko at bukod pa dito natulog kasi ako ng tanghali.

Bumangon ako at lumabas. Tiningnan ko ang oras mag-aalas 3 na ng madaling araw. Kinuha ko ang aking jacket sa cabinet ko. Sinuot ko ito at inisip kong magpahangin muna sa labas. Tutal 6:00 ang pasok ko. Kaunting oras na lang ang aantayin ko para mag-ayos at maghanda na sa pagpasok.

Nakatingin sa lupa habang naglalakad. Nang biglang may lumapit sa aking tabi na matandang lalaki. Kinabahan ako dahil tulog na ang lahat at ako na lang ang gising. Tapos may kuma-usap sa akin.

“Miss mo na ba ko??” ang tanong niya.

"Sino po kayo?" ang tanong ko sa kanya dahil hindi ko maaninag ang mukha niya.

Hindi siya sumasagot sa tanong ko. Ngumiti siya. 

Para kasing pamilyar siya sa akin. Hindi ko lang matandaan.  May dala-dalang kotseng laruan.  May kung ano sa matandang ito na nagparamdam sa’kin na mapagkaktiwalaan ko siya. Na magkakilala na kami sa mahabang panahon. Hindi ko lang talaga matandaan.

Inabot niya sa akin ang kotseng laruan. "Mauuna na ko" wika ng matanda at naglakad ito papunta sa isang madilim na lugar.

Nang makita ko ang kotseng laruan naging pamilyar sa akin ito dahil katulad ito ng binigay sa akin ng aking lolong pumanaw na.  Hinabol ko siya at Niyakap. Niyakap ng mahigpit. Niyayakap niya lang ako.  At hinayaan ko lang siya. At napaluha ako.


Maya-maya'y biglang may tumunog. Alarm clock pala ng cellphone ko.Agad kong hinanap ang cellphone ko, para patayin ang alarm. Nagulat ako dahil nasa kama na ako at panaginip lang pala ang lahat ng nangyari. Tumulo ang luha ko dahil kahit sa panaginip lang nakita kong muli ang aking pinakamamahal na lolo. Di ko alam kung paanong nangyari ang lahat ng iyon. Kung totoo ba o hindi. Ang alam ko lang nandiyan pa rin si lolo handang gumabay pa rin para sa akin.