Miyerkules, Agosto 5, 2015

Alaalang Di Makakalimutan

Di na naman ako makatulog.  Kung anu-anong posisyon na ang sinubukan ko. Nagbilang na ako ng ilang tupa, pati lobo, binilang ko na. Inisip ko na ang lahat ng magagandang bagay. Pero wala pa rin, di pa rin ako makatulog. Siguro dahil ‘to sa dalawang tasang kapeng ininom ko at bukod pa dito natulog kasi ako ng tanghali.

Bumangon ako at lumabas. Tiningnan ko ang oras mag-aalas 3 na ng madaling araw. Kinuha ko ang aking jacket sa cabinet ko. Sinuot ko ito at inisip kong magpahangin muna sa labas. Tutal 6:00 ang pasok ko. Kaunting oras na lang ang aantayin ko para mag-ayos at maghanda na sa pagpasok.

Nakatingin sa lupa habang naglalakad. Nang biglang may lumapit sa aking tabi na matandang lalaki. Kinabahan ako dahil tulog na ang lahat at ako na lang ang gising. Tapos may kuma-usap sa akin.

“Miss mo na ba ko??” ang tanong niya.

"Sino po kayo?" ang tanong ko sa kanya dahil hindi ko maaninag ang mukha niya.

Hindi siya sumasagot sa tanong ko. Ngumiti siya. 

Para kasing pamilyar siya sa akin. Hindi ko lang matandaan.  May dala-dalang kotseng laruan.  May kung ano sa matandang ito na nagparamdam sa’kin na mapagkaktiwalaan ko siya. Na magkakilala na kami sa mahabang panahon. Hindi ko lang talaga matandaan.

Inabot niya sa akin ang kotseng laruan. "Mauuna na ko" wika ng matanda at naglakad ito papunta sa isang madilim na lugar.

Nang makita ko ang kotseng laruan naging pamilyar sa akin ito dahil katulad ito ng binigay sa akin ng aking lolong pumanaw na.  Hinabol ko siya at Niyakap. Niyakap ng mahigpit. Niyayakap niya lang ako.  At hinayaan ko lang siya. At napaluha ako.


Maya-maya'y biglang may tumunog. Alarm clock pala ng cellphone ko.Agad kong hinanap ang cellphone ko, para patayin ang alarm. Nagulat ako dahil nasa kama na ako at panaginip lang pala ang lahat ng nangyari. Tumulo ang luha ko dahil kahit sa panaginip lang nakita kong muli ang aking pinakamamahal na lolo. Di ko alam kung paanong nangyari ang lahat ng iyon. Kung totoo ba o hindi. Ang alam ko lang nandiyan pa rin si lolo handang gumabay pa rin para sa akin.








Walang komento:

Mag-post ng isang Komento