Naranasan mo na bang masadlak sa isang napakabigat na problema? Tiyak ito ang tanong
na mabilis mong masasagot. Natural lahat ng tao ay dumadaan sa ganitong
sitwasyon. Ngunit sino nga ba ang tutulong sa atin upang magawa nating
malagpasan ang mga pagsubok na ito? Pamilya ba, kaklase, kaibigan, kabarkada karelasyon
o kung sino-sino pa diyan na nakapaligid sa iyo. Pero minsan nakakalimutan nating
lahat na ang Diyos ang tunay na kasagutan sa ating problema.
Sa buhay natin dumarating ang mabibigat na pagsubok
na siyang susukat kung gaano tayo katatag at gaano tayo kalapit sa Diyos.
Minsan ay nararanasan natin na madapa, Gayunpaman, pipilitin pa rin nating
tumayo dahil may pinanghahawakan tayo, at ito ay ang pananampalataya sa Diyos.
Tuwing linggo, normal lang na makikita ka ng mga
pamilyang Pilipino sama-samang nagsisimba. Isa na itong kaugalian kung saan
naglalagay tayo ng oras para sa ating panginoon sa kanyang tahanan. Maaaring sila’y nagpapasalamat, humihingi ng tulong, o
kaya naman ay nagsisisi ng kasalanan. Subalit
minsan ay sumagi sa isip ko, nasusukat ba sa lingguhang pagsisimba ang
pananampalataya? Dahil ba sa pagsisimba ay maliligtas ka na at malalayo ka na
sa kapahamakan?
OO, Naisip ko na ang hindi pagsisimba ay isang
napakaling kasalanan sa Diyos at maituturing itong pagkukulang bilang isang tao, ngunit marahil
ay hindi ito nangangahulugang malayo ka sa kanya. Hindi ba’t ang pagpapakita ng
kabutihan sa kapwa mo ay isang batayan? Ang pagdarasal, kung saan ay tinatawag
natin ang pangalan Niya, ay siyang nagpapatunay na naaalala natin siya.
Nakakalungkot isipin na marami sa atin ay tila ba nauunahan
na sila ng panghuhusga at naiisip agad ang mga negatibong bunga ng hindi
pagsisimba. Pumasok tuloy sa aking isipan na kung bakit may mga taong mababa
ang tingin sa mga taong di nagsisimba?Bakit yung iba nga sa kanila na madalas sila pa ang parang hindi nanggaling sa
simbahan ang ugali. Hindi rin naman naipapakita ang magandang asal na napulot nila
sa pagsisimba? At di ba may taong gusto lamang linisin ang kanyang pangalan,
alisin ang bahid ng kasamaan ngunit patuloy pa ring gumagawa ng kasamaan?
Nasaan ang katotohanan doon.
Iba-iba tayo ng paniniwala ngunit para sa akin, dapat
lang na maging pantay ang pagtrato ng ibang tao sa mga nagsisimba at hindi. Ang mahalaga hangga’t alam natin na nasa puso
natin ang Diyos, tiyak na mananatili Siya sa ating kalooban at mananaig ang
kabutihan anuman ang mangyari.Dahil dito ay magkakaroon tayo ng matatag na
pananampalataya na hindi masisira ng kahit ano at magpapadala sa anumang
sinasabi o inihahatol ng iba at ito ang masasabi nating tunay na pananampalataya sa Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento