Biyernes, Agosto 21, 2015

Tunay na Bayani




Katapangan na pinamalas
Mga sundalo ng Pilpinas
Hindi matatawarang kagitingan
Kahit buhay ang naging kabayaran.

Baril na naging sandigan
Gamit sa pagtugis sa kalaban
Hindi akalain na ito ang magiging kasangkapan
Sa nalalapit nilang kamatayan.

Sino ang may kasalanan
Ang kalaban o ang pamahalaan
Sa kawalan ng agarang aksyon
Paano na ang ating nasyon?

Ama’t kapatid sa kanilang mga tahanan
Sa mga pamilyang kanilang naiwan
Ano ang nangyari sa’yo sa Juan
Sa bayan mong sinilangan.

Miyerkules, Agosto 19, 2015

Wika para sa Bayan, Ating Ipaglaban

Ang sarap ng pakiramdam ko ngayon. Sa wakas natapos na rin namin ang Sabayang Pagbigkas sa Filipino. Napakasaya ko talaga dahil sulit talaga ang pagod ko sa bawat araw na halos gabing-gabi na ako nakakauwi sa aming bahay. Salamat sa lahat ng tumulong at sumoporta sa amin upang malagpasan namin ang paligsahan na ito.

Bagama't di kami nanalo, piling ko ay wagi pa rin kami dahil alam naman namin sa aming sarili na halos apat na araw lang naman ito nagawa at sa halip ay nakapagpakita pa rin kami ng isang magandang presentasyon . Dito ko napatunayan na dapat lagi lang tayong magtitiwala sa isa't isa at si Lord na ang bahala na gumabay sa anumang kahihinatnan nito.

Isa pa sa ikinatuwa ko ay sa pamamagitan ng paligsahan ng Sabayang Pagbigkas naipakita namin ang suporta namin sa pagtatanggol sa ating pambansang wika-ang Filipino. Kasi nga kung titingnan natin ngayon sa kasalukuyang panahon,tila ba binabalewala na lang natin ang wikang ating kinagisnan at para bang pilit natin itong pinapatay.Isa sa patunay nito ang panukala ng Commission on Higher Education (CHED) ng Memorandum No. 20 Series of 2013 (CMO no. 20 series of 2013) na naglalaman ng pagtatanggal ng Filipino sa kurikulum na ipinapatupad sa kolehiyo. Tunay nga bang magdudulot ang hakbanging ito ng progreso? Iyan ang tanong ko.

Ang katwiran ng CHEd, nararapat na senior high school lamang dapat ituro ang Filipino subject. Dahil sa memorandum na ito ay nagdulot ng poot sa maraming nagtataguyod ng sariling wika at ganoon din sa mga guro ng Filipino.

Pumasok tuloy sa aking isipan na Bakit ba  kailangang alisin ang Filipino? Dapat pa ngang palaganapin at pagyamanin ito .Marami sa mga Pilipino ang hindi pa ganap na bihasa sa pagsulat sa wikang sarili. Marami pa ring nagkakamali sa simpleng paggawa ng pangungusap. Maraming hindi alam ang tamang baybay. Kaya paano sasabihing sobra-sobra na raw ang pag-aaral ng Filipino kaya hindi na dapat ituro sa kolehiyo.

Para sa akin,Ang ating wika ay sumisimbolo ng isang bansang matatag at nagkakaisa. Kung may iisang wika, magkakaintindihan ang lahat at magkakaroon ng iisang hangarin at ito ay bumangon mula sa mga pinagdaanang problema. Ngayon at nalalagay sa isyu ang ating wika ,marapat na atin itong ipagmalaki,ipagtanggol at ipaglaban. Nawa’y ating gamitin ng wasto sa araw-araw at taas-noo tayong magsalita sa ating sariling wika!


Martes, Agosto 11, 2015

Ulan, Lubayan mo Ako

Nakakainis talaga ang araw na ito maghapong umulan. Alas otso ng gabi ang labasan namin at tama na naman ang naisip ko bago ko umalis ng school, sobrang hirap na namang makauwi sa bahay. Grabe sobrang hassle talaga. Ramdam ko ang baha, traffic, basang sapatos, basang damit,pantalon,mabahong kapaligiran at lahat lahat na.

Isipin niyo naman ang pinagdaanan ko kanina o kahit bumuhos lang ng kaunti ang ulan  kapag nasa maynila ka. Nandiyan ang paunahang makasakay ng dyip o ng bus-kailangan mo pang makipagsiksikan,stranded dulot ng traffic at ang pag-iwas sa mga lugar na may baha. Maiinis ka talaga sa ganitong mga sitwasyon.
Kaunting ulan lang ay nagmimistulang waterworld na ito. Pero kung ikukumpara mo ito sa dagat kung saan mga isda ang makikita mo, dito magugulat ka dahil baka makasalamuha mo pa ang mga patay na daga, ipis at basura. Minsan may makikita ka pang diaper na may napakabahong amoy. Masusuka ka talaga. 

Nakakainis din ang mga sasakyan pag tag ulan. Hindi ka na makasakay dahil sa dami ng tao, dadaan pa ang salbaheng driver sa baha at magtatalsikan pa sa iyo ang tubig kanal. May pagkakataon pa ngang naka-dalawang palabas ng movie na sa bus di ka pa rin nakakababa.

Nayayamot tuloy ako kapag naiisip ko ang dulot na hatid ng ulan. Napakalaking abala talaga nito sa mga tao. Sobrang hirap talaga kapag umuulan, ewan ko na lang kung hindi ka mabad-trip. Kaya pakiusap ulan, lubayan mo ako.

Miyerkules, Agosto 5, 2015

Alaalang Di Makakalimutan

Di na naman ako makatulog.  Kung anu-anong posisyon na ang sinubukan ko. Nagbilang na ako ng ilang tupa, pati lobo, binilang ko na. Inisip ko na ang lahat ng magagandang bagay. Pero wala pa rin, di pa rin ako makatulog. Siguro dahil ‘to sa dalawang tasang kapeng ininom ko at bukod pa dito natulog kasi ako ng tanghali.

Bumangon ako at lumabas. Tiningnan ko ang oras mag-aalas 3 na ng madaling araw. Kinuha ko ang aking jacket sa cabinet ko. Sinuot ko ito at inisip kong magpahangin muna sa labas. Tutal 6:00 ang pasok ko. Kaunting oras na lang ang aantayin ko para mag-ayos at maghanda na sa pagpasok.

Nakatingin sa lupa habang naglalakad. Nang biglang may lumapit sa aking tabi na matandang lalaki. Kinabahan ako dahil tulog na ang lahat at ako na lang ang gising. Tapos may kuma-usap sa akin.

“Miss mo na ba ko??” ang tanong niya.

"Sino po kayo?" ang tanong ko sa kanya dahil hindi ko maaninag ang mukha niya.

Hindi siya sumasagot sa tanong ko. Ngumiti siya. 

Para kasing pamilyar siya sa akin. Hindi ko lang matandaan.  May dala-dalang kotseng laruan.  May kung ano sa matandang ito na nagparamdam sa’kin na mapagkaktiwalaan ko siya. Na magkakilala na kami sa mahabang panahon. Hindi ko lang talaga matandaan.

Inabot niya sa akin ang kotseng laruan. "Mauuna na ko" wika ng matanda at naglakad ito papunta sa isang madilim na lugar.

Nang makita ko ang kotseng laruan naging pamilyar sa akin ito dahil katulad ito ng binigay sa akin ng aking lolong pumanaw na.  Hinabol ko siya at Niyakap. Niyakap ng mahigpit. Niyayakap niya lang ako.  At hinayaan ko lang siya. At napaluha ako.


Maya-maya'y biglang may tumunog. Alarm clock pala ng cellphone ko.Agad kong hinanap ang cellphone ko, para patayin ang alarm. Nagulat ako dahil nasa kama na ako at panaginip lang pala ang lahat ng nangyari. Tumulo ang luha ko dahil kahit sa panaginip lang nakita kong muli ang aking pinakamamahal na lolo. Di ko alam kung paanong nangyari ang lahat ng iyon. Kung totoo ba o hindi. Ang alam ko lang nandiyan pa rin si lolo handang gumabay pa rin para sa akin.